Saturday, December 13, 2008

napadaan lang... sa ayala

hay... (:|
antagal ko hindi nagpost. ang dami ng nagdaan na lakaran mukhang hindi ko na kayang ikwento pa. di bale ok lang naman, =) sa susunod na taon na lang ako magbabalik. medyo marami ang gawain nitong mga nakaraang buwan. may lakaran man sa umaga o gabi, pagdating ng bahay ay wala na akong panahon at enerhiya na magkwento pa.

pasensya na po... tao lang hihihi ^_^

chige, sa uulitin na lamang, ako'y napadaan lamang, sa lugar kung saan ako'y nagsimulang lumaboy. oo nga pala, kanina sa aking paglalakad, aking natanaw ang rally sa ayala... tsk tsk tsk! nakakalungkot... napaka-linis ng Ayala, ngunit kanina... ibang iba ang aura nito. napaka-dumi, napaka-raming tao (parang may concert) kase may rally nga! :)

okay, yun lang po. BRB. nakabili na ako ng bagong sapatos... wehehehe!

Monday, October 20, 2008

Gloriettambayan

Pahinga ako ngayong sababo at linggo. Masama rin kasi ang naging pakiramdam ko at tila ako'y lalagnatin na ewan dahil sa ubo kaya kung meron man akong lakad, baka mag-pass muna din ako. Ngunit sa mga oras naman na ito ay mabuti buti na rin ang aking pakiramdam. Himala talaga wala akong lakad... Wala talaga, sapagkat inilaan ko talaga ang weekend na ito para ako'y makapagpahinga. Pero, ngunit, lumabas pa rin ako sapagkat kailangan kong kumain... Alam nyo naman, walang sariling kusina ang inyong likod. =(

Destination: Glorietta

Noong bata ako, kapag narinig ko ang mall na Glorietta, tatlong bagay lang ang pumapasok sa aking isipan... una pang-mayaman, ikalawa sosyal at ikatlo - may artista. Siguro ay dahil ang nai-istablisang imahe ng Glorietta ay ganoon nga... sapagkat nasa area ito ng Makati at hindi ako pamilyar sa lugar na yaon.

Dahil nga wala akong sariling bahay, malamang wala rin akong sariling kusina kaya ang pagkain ko ay sa kung saan-saan. Kaya sa hanggang minsan isang araw, nakarating ako ng Glorietta para kumain. Mula noon, madalas tuwing sabado at linggo ay nakagisnan ko na itong puntahan para tikman at iba't iba nilang kainan.

Marami talagang kainan sa Glorietta, merong pang-masa at meron ding pang-masa-hol na presyo ng pagkain. Hindi ko na iisa-isahin pa ang mga ito. Meron din malaking ground sa gitna ang Glorietta kung saan madalas ginaganap ang kanilang mga mall events, promo at iba pa. Kung wala namang aktibidad, ito ang nagsisilbing playground ng mga bata. May palaruan.

Madali lang naman itong puntahan... Kung pamilyar ka sa MRT, bumili ka lamang ng card patungong Ayala at sa mismong pagbaba mo, may daan na patungong Glorietta. Paglabas mo ng tren ay makikita mo ang hagdanan o escalator paakyat para sa paglabas istasyon. Paglabas mo, sa dulo ng station sa gawing kaliwa ay makikita mo ang entrance ng SM Makati, naroon ang daan. Kailangan mong pumasok sa SM Makati at bumaba ng isang palapag sa pinaka-unang escalator na iyong makikita. Pagkatapos nito, diretsuhin mo lamang iyon at sa dulo ay ang entrance na ng Glorietta, makikita mo doon ang National Book Store at katapat ay tindahan ng laruan. Di ba, madali lang =)

Ang MRT pala ay ang Tren na ang biyahe ay North - Taft. Nagsisimula ito sa may TriNoma patungong Quezon Ave., GMA-Kamuning, Cubao, Santolan-Annapolis, Ortigas, Shaw, Boni, Guadalupe, Buendia, Ayala, Magallanes at Taft. (Hahaha..dapat ibang topic na ito.)

Balik tayo ng Glorietta. Noon, pangarap ko lang mapuntahan ang mall na ito... hindi ko inakalang darating ang panahon na ako'y magiging isang palaboy at gagawing kusina ang mall na dati'y akin lang pinapangarap... Kaya sa mga hindi pa nakakapunta, huwag kayo mahiya. Kahit naka-pangbahay ka lang, walang masama. Kung wala kang pera, hindi rin bawal ang tambay lang.

Saturday, October 18, 2008

KTV

Trip ba ninyong mag-anak o magkakaibigan ang kumanta? Kung Oo, heto ang isang bagay na aking itatampok para inyong impormasyon - ang KTV.

Isa sa mga usong pagbo-bonding sa panahon ngayon ay ang pagvi-videoke o KTV na ang ibig sabihin ay Karaoke Television. Dahil sa KTV, hindi lamang kwentuhan ang kasama kundi pati na rin ang pag-eenjoy sa pagkanta.

Isa ang KTV bar na matatagpuan sa pusod ng Makati ang nagbibigay ng ganitong serbisyo. Sa halagang P75 sa isang tao, kayo ng inyong mga kapamilya o kapuso ay may 1 oras ng tsansa para maipakita ang inyong natatagong talento sa musika. May iba't ibang package pa din ito na maari ninyong subukan, nariyan ang P250 sa isang tao para sa 2 oras na may kasama ng pagkain at marami pang iba. Ang isang bucket naman ng San Mig light ay nagkakahalaga ng P140 at ang napakasarap nilang Calamares ay P175. Kung gusto mo namang magdagdag pa ng oras sapagkat kayo ay nag-enjoy ng todo, ang normal na presyo nalang na P75 ang inyong idadagdag.


Ganito ang nangyari sa akin at aking mga kasama kagabi hanggang kaninang umaga. Dahil sa sobrang enjoy, mula alas-onse ng gabi ay inabot kami ng alas-tres ng umaga sa pagkanta. Labindalawa kaming lahat at sobra naman kaming nag-enjoy. Ito ay matatagpuan sa Jupiter St., Bel-Air Village sa mismong building din ng Topgrill Family KTV. Malapit ito sa Pacific Star na matatagpuan sa pagitan ng Makati Avenue at Sen. Gil Puyat St., at mas lalong malapit ito sa Petron gasoline station. Nasa hilera ito ng KFC at Mcdo na katapat lang ng Petron.


Kaya kung gusto nyong mag-relax o mag-bonding ng inyong mga Kapamilya at Kapuso. At kung kayo ay malapit lamang sa lugar na ito, go na kayo. Kung malayo naman, bakit hindi nyo lamang subukan? Masisiguro kong inyo itong magugustuhan sapagkat hindi lamang maganda ang kanilang mga pasilidad, kumportable pa ito at masasarap ang pagkain.


Isang patakbong habol:
ala-singko ng umaga na ako umuwi dahil nagkape pa pagkatapos ;-)

Thursday, October 16, 2008

Tang City

Hindi ito lugar. =p

Sawa ka na bang kumain ng fastfood tulad ng Jollibee, Mcdo, Chowking, Greenwhich at KFC? Kung hindi pa, sige kain ka lang....

Dahil ako, sawa na. Kaya kanina, naisipan naming kumain naman sa Tang City - isang Authentic Chinese Restaurant (Self-proclaimed nila) para maiba. Hindi naman siya ganun ka-pormal na kainan (hindi naman dahil resto siya eh sosi na) sapagkat simple lang naman ang ayos nito. Yun nga lang, syempre, medyo angat ng presyo nito sa mga ibang fast food chains.

Isa ang Valero St., sa Makati ang may branch nito. Malapit ito sa Mercury Drug na katapat naman ng Antel Platinum Tower. Doon kami kumain... Dahil nga sa nasusuka na kami sa araw araw na pagkain ng chicken, pork, burger, fries at spaghetti, sa Tang City na kami. Hindi masyadong pamilyar ang mga ulam, pero mukha siyang masarap kaya OK naman.

Pero nga lang, kung kuripot ka, masasabi mong mahal dahil ang isang Root beer in can, ang presyo ay Php40.00. Kung sa Point-point ka bibili, (sosi term for turo-turo hehehe) isang meal na yun. Pero, minsan minsan lang naman. At least, ma-experience mo naman kumain doon kaya kung gusto mo mag-food trip, wag ka na sa Jollibee, common na ang pagkain, subukan mo sa Tang City - one of the new sensations in Chinese dining in Metro Manila.

Ting ting ting, ting ting ting ting ting ting ting... ^_^

Paseo Center, Makati

Uminom nanaman ako.

Nagkaroon kami ng isang mala-Goodbye party para sa isa sa aming bossing sa trabaho. Dahil gabi na, napagpasyahang sa malapit na lang sa opisina kami pumunta kaya naman ginanap namin ang aming bonding/goodbye party sa Dencio's na matatagpuan sa ikatlong palapag ng Paseo Center. Maganda naman doon eh...

Ang Paseo Center ay matatagpuan sa gitna ng Paseo de Roxas st. patungong Makati Avenue sa Ayala, Makati. Ito ay nasa pagitan ng underpass paglagpas ng Insular Life at Equitable / BDO Tower. Hindi man ganun kalaki ang lugar, marami paring establisimentong naroon lalo na pagdating sa mga food services. Naroon ang Mc Donalds, Country Style, Teriyaki Boy, Coffee Bean, Reyes BBQ, Dencio's at iba pa.

Kung ikaw naman ay nag-aapply sa trabaho at kailangan mo ng folder, papel o ballpoint pen, naroon din ang Office Warehouse - ang pinakamalapit na tindahan ng pang-opisinang gamit sa Ayala (sapagkat malayo-layo doon ang glorietta).

Oo nga pala, mayroon ding ditong mga electronic stores tulad ng Mobile1. Kaya kung ikaw nasa area lamang ng Paseo de Roxas at gusto mong kumain, bumili ng folder, magpa-check ng gadget, ang Paseo Center na ang bahala sa'yo ^_~

P.S.
11:30PM na ako nakauwi...

Wednesday, October 15, 2008

Life-size dinosaurs at Pierre One, The Fort

Sa mismong Pierre One.

Galing kami ng mga kasama ko sa trabaho noong biyernes sa The Fort (after office hours) para kumuha ng litrato ng mga life-size dinosaurs na nakatayo sa pagitan ng Pierre One at Cafe Puccini.

Maganda ang naging dating ng mga dinosaurs at talaga namang naging mala-pambatang tourist spot ang nangyayari doon. Kaya naisipan kong dalhin ang aking kapatid doon noong linggo para naman makakita rin siya ng mga life-size dinosaurs. Tignan nyo ang litrato nya:


Magandang puntahan ang The Fort lalo tuwing gabi sapagkat buhay na buhay ang lugar. Syempre kasi, isa ito sa mga gimikan. Sa mga hindi nakaka-alam, dito matatagpuan ang pinaka-sikat at pinaka-kontrobersyal na Embassy Club - ang disco ng mga artista! Ngunit hindi lamang beer at bar ang marami sa The Fort sapagkat kung marami ang gimikan, mas marami ang kainan. Isa na rito ang Hossien's Kebab, Zong, Trio at iba pa. Dito mo rin matatagpuan ang Serendra kung saan nakatayo ang pangarap kong condominium.

Bukod pa rito, sa loob ng The Fort mo din matatagpuan ang Market! Market! na pagmamay-ari ng Ayala Land. Ang building ng Sony Ericsson, Deutsche Bank at Lawson. At sa dulo naman nito patungong Buendia, naroon ang mga pang-masang kainan tulad ng Chowking, Pizza Hut at Jollibee. Kaya kung hindi trip ng panlasa mo ang mga sosyal na pagkain, dito ka na sa mga pang-masa kumain.

Basta, napakalaki at napakaluwang ng The Fort. Subukan nyong tignan ang lugar upang makita nyo rin ang ipinagmamalaki ng Taguig. Para makita nyo rin ang mga naglalakihang dinosaurs... kung hindi nyo alam puntahan, sabihin nyo lang kay manong taxi driver The Fort, Taguig, sa may Pierre One.


P.S.
Walang jeep sa The Fort, kaya taxi talaga.
Pero... huwag itanim sa ulo na ang The Fort ay pang-mayaman lang. Pribado lamang ito at hindi sagrado kaya hindi ito bawal puntahan dahil lang sa wala kang sariling sasakyan...

buhay palaboy... kelan matatapos?

Magandang (gabi man o araw basta maganda) sa lahat ng nagbasa, nagbabasa at magbabasa ng blog kong ito. Salamat sapagkat ngayong umaga magsisimula ang pagbabahagi ko ng kwento tungkol sa buhay ng isang tatawagin nating "palaboy".

Hindi nyo pa alam, pero sa nakaraang 2 buwan, hindi pa ako nagkaroon ng isang buong araw na pahinga... sa dami ng aking extra curricular activities... tuwing walang pasok ko na lang nakayang gawin ang mga ito kaya't ang panahon na sana ay mahimbing akong natutulog, nasa kalye ako't naglalakad. Ngunit OK lang sapagkat masaya naman... iba't ibang sulok ng metro manila, nararating ko na.

Siguro, kung nakakapagsalita lang ang aking mga paa, nag-reklamo na siya ng bonggang-bongga! dahil ang sapatos ko'y pagod na. Nasira ito nang minsang pumila ako sa PDA concert hall para sa 11th Gala night ng Pinoy Dream Academy Season II. Nagkagulo ang pila at nagkatulakan dahil umulan. Sa sobrang gulo, nabasa ang sapatos ko at napunit. Pero OK parin naman siya at nagagamit parin. Bibili na lang ako ng bago next time, kapag meron na akong pera. Basta sa ngayon, tuloy lang ang paglalakad.

Php8.50 ang minimum na pamasahe ngayon sa Jeep.
Php12.00 sa Bus, Php11.00 sa tren. Ingat!


Kaya't sana, samahan nyo ako sa aking paglalakbay. Libutin ang lahat ng kayang marating... mag-jeep, mag-bus, mag-tren o maglakad. Walang problemang iisipin (pamasahe lang^_^), gawin ang gustong gawin. Tignan ang kagandahan ng buhay na simpleng kakaiba... [pero masaya.] dahil ang buhay wala lang... ay isang buhay palaboy! ^_^